
Sa naging pagdaraos ng Sustainability Expo (SUSTEX) nitong ika-5 ng Agosto 2026 sa Lungsod ng Taguig, buong puwersang inanyayahan ng Department of the Interior and Local Government–National Capital Region (DILG–NCR) ang mga opisyal at kinatawan ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) na lumahok sa nasabing pagtitipon. Dinaluhan ito ng hindi baba sa 700 kinatawan mula sa iba’t ibang LGUs sa NCR, kabilang na ang mga opisyal ng barangay at iba pang stakeholder.
Bitbit ang temang “Bayanihan Innovation for a Green and Resilient Philippines,” nagbigay-daan ang SUSTEX sa pagpapalawig ng kaalaman ng mga kalahok sa mga maka-agham at napapanahong teknolohiya at inobasyon para sa pagsusulong ng circular economy, disaster resilience, at sustainable energy.
Ang ilan sa mga itinampok sa naganap na expo ay ang mga nilikhang teknolohiya ng Department of Science and Technology (DOST), gaya ng solar energy at waste-to-energy systems, wastewater and water treatment solutions, at sustainable transportation alternatives, kabilang ang electric and converted tricycles (e/c-trikes) at electric transport vehicle (e-tranvia).
Kasama si DILG–NCR Regional Director Maria Lourdes L. Agustin, CESO III, at iba pang mga panauhin, pormal na binuksan ang pagdaraos ng SUSTEX sa pangunguna nina DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr., SM Supermalls Vice President for Mall Operations Engr. Junias M. Eusebio, at SM Supermalls Vice President for Corporate Compliance at ARISE Philippines Co-Chairperson Engr. Liza B. Silerio.
Bilang katuwang na ahensya, nagpahayag si DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla ng mensahe ng pagsuporta at pakikiisa, sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan na si Director Debbie T. Torres. Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng Kalihim ang mga inisyatiba ng Kagawaran na naglalayong paigtingin ang sustainability at disaster preparedness practices ng mga LGU.
“This vision is already taking shape in our local government units. Across the country, LGUs are embracing digital transformation, with 67% of LGUs adopting the e-LGU system; strengthening disaster preparedness, with 33% having digitized their local risk and hazard maps; promoting renewable energy, with 15% having enacted Local Energy Codes; and adopting sustainable practices that improve the quality of life of our people, with 714, or 42%, of LGUs having passed the 2025 national evaluation framework through the SGLG,” paliwanag ng Kalihim.
Dagdag pa rito, iniulat ni Director Torres ang inilaan ng DILG na 633 milyong piso para sa paglulunsad ng climate-smart evacuation centers, gayundin ang pagpapalawig ng Unified 911 System at pagpapatupad ng Green LGU Projects na layong pagtibayin ang circular economy sa lokal na pamamahala.
Maliban sa mga eksibit, buong araw na natunghayan ng mga kalahok ang serye ng talakayan hinggil sa disaster resilience technologies, circular economy innovations, at green enterprise. Nagkaroon din ng sustainability solutions matchmaking at innovation pitch sessions para sa mga samahan at indibidwal na nais maipakilala ang kanilang mga solusyon at inobasyon.
“We thank the DOST and, of course, our partners from SM Prime Holdings and ARISE Philippines for advancing science-driven innovations and technologies through SUSTEX. We are confident that what our LGUs witnessed during the expo will inspire them to support and invest more in technologies and systems that promote sustainability and circularity,” pahayag ni RD Agustin.
Sa pagtatapos ng SUSTEX, naninindigan ang DILG–NCR na susi ang pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor sa paglikha at pagpapaunlad ng mga kaalaman at teknolohiya na makatutulong sa pagtugon ng mga lokal na pamahalaan sa mga banta sa kapaligiran, kaligtasan, at katatagan ng mga pamayanan.
