Inilunsad ng DILG-NCR, katuwang ang DILG Pateros Field Office, ang Barangay Resilience Advocates Volunteer Group – Advanced Knowledge and Operations o BRAVE AKO Training Program para sa Bayan ng Pateros noong ika-3 ng Setyembre 2025, sa Astoria Plaza, Lungsod ng Pasig.

Kabilang sa mga kalahok ang mga opisyal ng barangay at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng sampung barangay na nasa loob ng one-kilometer buffer hazard zone ng West Valley Fault System.

Bilang panimula, binigyang-diin ni Municipal Local Government Operations Officer Charlotte G. Publico mula sa DILG Pateros Field Office ang kahalagahan ng programa bilang isang plataporma na nagpapaalala na ang kahandaan ay isang kolektibong tungkulin upang masiguro ang kaligtasan ng buong pamayanan.

Sa ilalim ng  Module 102: Integrated Barangay Development and Disaster Risk Reduction and Management Planning, pinangunahan nina LGOO V Rhona Grace D. Perola at LGOO III John Benedict J. Asuncion ng DILG-NCR Local Government Capability Development Division ang komprehensibong talakayan at iba’t ibang workshop na nagbigay-daan sa mas makabuluhang pagkatuto ng mga kalahok.

Ang BRAVE AKO Training Program ay isa sa mga pangunahing inisyatiba ng DILG-NCR na naglalayong palakasin ang kakayanan ng mga barangay at lokal na pamayanan upang maging mas handa, maagap, at matatag sa gitna ng banta ng mga peligro tulad ng ‘The Big One.’