
Sa temang “Bayanihan Innovation for a Green and Resilient Philippines,” matagumpay na nakapagdaos ng eksibit ang Department of the Interior and Local Government–National Capital Region (DILG–NCR) at Local Government Academy (LGA) bilang pagsuporta at pakikiisa sa naganap na taunang Sustainability Expo (SUSTEX) nitong ika-5 ng Agosto 2026 sa SMX Convention Center Aura, Lungsod ng Taguig.
Tampok sa inilunsad na eksibit ng higit dalawampung pampublikong ahensya at pribadong samahan ang iba’t ibang makabagong teknolohiya at produkto hinggil sa circular economy, disaster resilience, at sustainable energy.
Sa eksibit kasama ang LGA, dinagsa at umani ng positibong pagtanggap mula sa publiko ang isinagawang registration booth ng Local Governance Regional Resource Center (LGRRC) ng DILG–NCR para sa pagtataguyod nito ng Metro Manila Resilience Network. Mahigit limampung samahan mula sa civil society at pribadong sektor ang naitalang nagpahayag ng pagnanais na maging kabahagi ng Resilience Network.
Bilang bahagi ng Metro Manila Resilience Hub, ang Resilience Network ay kinapapalooban ng mga samahan at institusyong mula sa iba’t ibang sektor gaya ng akademya at pananaliksik, pagnenegosyo, lipunang sibil, at iba pa. Layunin ng Network na higit na mapaigting ang kooperasyon ng mga kasaping samahan nito tungo sa pagpapalakas ng climate at disaster resilience ng mga lokal na pamahalaan sa Rehiyon.
Maliban sa registration booth, lumagda rin sa Pledge of Support ng Metro Manila Resilience Hub ang mga kinatawan ng samahan at institusyong dumalo sa naturang expo.
Kabilang din sa mga itinampok sa eksibit ang pamamahagi ng iba’t ibang pangunahing knowledge product ng LGA, gaya ng Operation Listo Disaster Preparedness Manuals, na tinangkilik ng mga kalahok. “Very helpful for us to have access sa mga manual na ito because, for sure, kami sa private sector ay may mako-contribute sa ating mga LGU especially when it comes to their project implementation of DRR programs,” pahayag ng isa sa mga dumalo.
Ang SUSTEX 2026 ay inilunsad ng SM Prime Holdings, sa pamamagitan ng SM Supermalls, katuwang ang Department of Science and Technology (DOST) at ARISE Philippines.
Katuwang ang LGA at iba pang mga organisasyon, pinagtitibay ng pakikilahok ng DILG–NCR sa SUSTEX ang paninindigan nito na pag-ibayuhin ang knowledge management, multi-stakeholder partnership, at convergence tungo sa pagsusulong ng likas-kayang kaunlaran at katatagan.
